Thursday, October 28, 2010

PABULA

ANG MATSING AT  ANG PAGONG 




Isang araw, habang naglalakad sina Pagong at Matsing sa Cubao ay nakakita sila ng puno ng saging na nahugot sa kanyang pagkakatanim dahil sa nagdaang bagyo. Pinaghatian nilang dalawa ang puno. Dahil magulang si Matsing ang kinuha niyang bahagi ay yaong bandang itaas. Nakita niya siguro na mas magandang tingnan iyon. Ang totoo, mas maganda ang napuntang bahagi kay pagong dahil ito ang may ugat, kahit pangit pa itong tingnan at maputik. Hehe, tuso man ang matsing napaglalalangan din. May pagka-imbecile itong si Matsing, hindi man lang inisip na hindi na tutubo ang kanyang bahagi dahil walang ugat. 









Kaya ayun, makalipas ang ilang linggo e namatay agad ang bahaging iyon ng puno na tinanim ni Matsing. Samantalang ang bahagi ng puno ni Pagong ay nabuhay, lumago, at nagkabunga. Imbecile nga kasi si Matsing.


 Matalino din naman pala si Pagong. Napakagaling niya magtago (sa katunayan mas magaling lang ng kaunti si Gringo Honasan sa pagtatago). Biruin mong magtago sa loob ng bao ng niyog? Kaya hindi tuloy siya nakita ng sumisingasing sa galit na si Matsing. Sa pagod sa kahahanap ay napaupo itong si Matsing dun mismo sa bao ng niyog na pinagtataguan ni Pagong. Mula sa butas ng niyog ay kinagat ni Pagong ang buntot ni Matsing at napasigaw si Matsing sa ubod ng sakit. "Arekupuuuuu!!!!" ang hiyaw ni Matsing, "Ang sakit nun ah para akong kinagat ng pagong!"
 
At tama siya si Pagong nga ang nakita niyang nasa loob ng bao. "Aha!" sabi ni Matsing, "Dyan ka lang pala nagtatago ha? Patay ka ngayon!...Teka..dapat mabait ako ng kaunti para di gaano kontrabida ang dating...sige papiiliin kita ng paraan kung paano mo nais mamatay. Pupulbusin kita ng pinong-pino o itatapon kita sa ilog? Hala mamili ka!"

"Naku ang gusto ko ay dikdikin mo na lang ako, dahil takut na takot ako sa tubig e!" ang wika ni Pagong na halos ay mangilid ang luha at maaaring manalo pa ng best actor sa Famas sa pag-arte. "Hindi mo lang alam e ipinaglihi ako ng nanay ko sa pusa kaya mamamatay ako sa tubig huhuhu!" ang panangis pa nito.
"Ahah" ang sagot niMatsing "takot ka pala sa tubig ha? Kung gayon ay ihahagis na kita sa ilog hahahah!"
At inihagis niya si Pagong sa ilog at doon ay inasar pa siya ni Pagong "Belat! Sige, babu, punta na ko sa Malibu!"
Talagang imbecile si Matsing.


Wednesday, October 27, 2010

PAG-IBIG

  



PAG-IBIG

ni Jose Corazon de Jesus 
1926


    Isang aklat na maputi, ang isinulat: Luha!
Kaya wala kang mabasa kahit isa mang talata;
Kinabisa at inisip mulang ating pagkabata;
Tumanda ka't nagkauban, hindi mo pa maunawa.

    Ang Pag-ibig, isipin mo, pag inisip, nasa-puso!
Pag pinuso, nasa-isip, kaya't hindi mo makuro.
Lapitan mo nang matagal ang pagsuyo'y naglalaho;
Layuan mo at kay-lungkot, nananaghoy ang pagsuyo!

    Ang Pag-ibig na dakila'y aayaw nang matagalan,
Parang lintik kung gumuhit sa pisngi ng kadiliman.
Ang halik na ubos-tindi, minsan lamang nahalikan,
At ang ilog kung bumaha, tandaan mo't minsan lamang.
    Ang Pag-ibig kapag duwag ay payapa't walang agos,
Walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos!
Ang Pag-ibig na matapang ay puso ang inaanod,
Pati dangal, yama't dunong nalulunod sa pag-irog!

    Ang Pag-ibig na buko pa'y nakikinig pa sa aral,
Tandang di pa umiibig, nakikita pa ang ilaw,
Ngunit kapag nag-alab na pati mundo'y nalimutan ---
Iyan, ganyan ang Pag-ibig, damdamin mo't puso lamang!

    Kapag ikaw'y umuurong sa sakuna't sa panganib
Ay talagang maliwanag at buo ang iyong isip:
Takot pa ang pag-ibig mo, hindi ka pa umiibig:
Pag umibig, pati hukay aariin mong langit!

    Ang Pag-ibig ay may mata, ang Pag-ibig ay di bulag;
Ang marunong umibig, bawat sugat ay bulaklak:
Ang pag-ibig ay masakim at aayaw ng kabiyak;
O wala na kahit ano, o ibigay mo ang lahat!

    "Ako'y hindi makasulat at ang Nanay ay nakabantay!"
Asahan mo, katoto ko, hindi ka pa minamahal!
Ngunit kapag sumulat na sa ibabaw man ng hukay,
Minamahal ka na niya nang higit sa kanyang buhay!

    Kayong mga kabataang pag-ibig ang ninanais,
Kayong mga paruparong sa ilawan lumiligid,
Kapag kayo'y umiibig na, hahanapin ang panganib,
At pakpak ninyo'y masusunog sa pag-ibig!